KIBO
Nawiwili akong pagmasdan ang balong at ang mga taong namamasyal. Maganda tignan ang paligid dahil dama mo ang sigla. Nakadagdag din ang nakamamanghang kulay ng dapit-hapon at ang paisa-isang pagsindi ng ilaw ng mga poste na nakapaligid sa parke sa ganda nang tanawin.
Ramdam ang nag-aagaw na lamig ng gabi at ang init na mula sa hapon, tanaw ang pagdilim at natitirang liwanag ng kalangitan, rinig ang ingay ng nagdaang araw at ang dalang katahimikan ng gabi.
Magulo. Payapa. Masaya. Taliwas sa namumuong tensyon sa pagitan naming dalawa.
Tahimik lang kaming kumakain sa isang magarang restawran, ngunit kahit anong elegante ng disenyo at kagarbo ang mga kagamitan ay hindi ko magawang pagtuunan ito nang pansin.
Ramdam ko ang pagkabog ng aking dibdib, walang naglalakas loob na magsalita sa aming dalawa. Parehong kalmado ang hitsura at kalkulado ang pagkilos, pilit na iniiwasang magkamali.
Tila nagpapakiramdaman dahil pareho naming alam na isang salita, isang salita lang ang kailangan.. upang mabago ang lahat.
Hanggang sa halos wala nang natirang pagkain sa mga pinggan ay kapwa kaming tahimik, parehong malalim ang iniisip.
Parehong alanganin, parehong nangangapa sa kalagayan ng isa, parehong takot sa pwedeng mangyari.
Bakit ayaw mo magsalita? Kailangan ba ako pa rin ang unang kumilos? Kahit ngayon ba ay saakin mo parin ipauubaya? O wala ka nang pakialam sa'ting dalawa?
Naramdaman ko ang pag-init ng aking mga mata kaya't bago pa man tumulo ang nagbabadyang luha ay agad akong tumayo at kinuha ang gamit ko.
"Uuwi na ako, salamat sa pagkain." paalam ko nang hindi manlang siya tinitignan at mabilis na humakbang palayo.
ー侘寂.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento